Inihayag ni Snooky Serna na nagpapasalamat siya na muling nagkrus ang landas nila ni Maricel Soriano, at mas naging malapit pa lalo sila sa isa't isa. Dahil sa naturang pagkakaibigan, tumibay umano ang kanilang pagkatao at nagturo sa kanila na magpatawad.

“I have become a stronger and a more forgiving person because of Maricel Soriano. Si Maricel naman, I think is the same, para siyang naging stronger and forgiving because of me,” sabi ni Snooky sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.

Ayon kay Snooky, maraming pagkakataon sa mga buhay nila ni Maricel na naka-relate sila sa isa’t isa.

“Ang dami naming parehong parallel lives, ang dami naming pinagdaanan, many levels that we identify with each other’s journey and certain events in our lives,” anang veteran actress.

“Lalo pa ngayon na thank God, nagkrus kami ng landas ulit,” sabi pa ni Snooky, na naniniwala na gumawa ng paraan ang namayapa nilang mga ina na sina Linda Carter at Mila Ocampo, na patuloy na gumagabay sa kanila.

“Closer kami ngayon. Habang nag-uusap kami we are each other’s best confidant, we lift each other up. Siya ngayon nagsasabi sa akin, ‘Uy, ganito ang approach sa ganito.’ Ako naman, ‘Nay ganito, puwede sigurong ganito,’ kuwento ni Snooky.

Dahil sa kanilang pagkakaibigan ni Maricel, mas napabuti umano si Snooky.

“Because of her, nahahatak ako to become a better version of myself. And because of me, kahit paano nai-influence ko rin siya na mas maging mas forgiving,” sabi ni Snooky.

Pag-amin pa ni Snooky, may mga pagkakataon na nagkaroon na sila ng 'di pagkakaintindihan ni Maricel, ngunit nagkapatawaran din sila.

“We were able to forgive ourselves and forgive each other. Kami ngayon, para bang we can forgive anyone after that,” sabi niya.

“Hindi ko akalain na ganito pa kami magiging ganito ka-close ni Maricel.  But ‘yun namang nangyari sa amin na distance, it was because of, more of professional rivalry,” paglilinaw ni Snooky.

--FRJ, GMA Integrated News