Inihayag ni Gabbi Garcia na bilang delicadeza, nagpaalam siya sa kaibigang si Julia Barretto na makakatrabaho niya ang ex-boyfriend nito na si Joshua Garcia para sa “Unbreak My Heart.” Ano naman kaya ang reaksyon ni Julia?

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, tinanong ni Tito Boy si Gabbi kung humingi siya ng tips kay Julia kung paano makikipagtrabaho kay Joshua.

“Actually I called her. When the project was mentioned to me I called her. I also called her before I left for Europe,” sabi ni Gabbi.

“Not for anything, siguro values ko lang din as a woman and as her friend, and I called her in respect. Delicadeza lang for me na ‘Uy I’m gonna be working with Josh for this project,’” kuwento ni Gabbi.

Dahil dito, natawa raw sa kaniya si Julia, na kaibigan niya simula pa noong high school sa St. Paul College.

“Natawa pa nga siya na, ‘Oh my God you don’t have to call me. You don’t even have to tell me,’” sabi sa kaniya ni Julia.

“‘Wala lang, sabi ko ‘I just wanna let you know para lang walang gulatan,’” kuwento ni Gabbi.

Magkatrabaho sina Gabbi at Joshua sa “Unbreak My Heart” kasama rin sina Jodi Sta. Maria at Richard Yap, na dati ring mag-on screen partner.

Ipalalabas na ang “Unbreak My Heart” sa Mayo 29 mula Lunes hanggang Huwebes ng 9:35 p.m. sa GMA Telebabad, Pinoy Hits, I Heart Movies, at 11:25 p.m. sa GTV. Available rin ito sa GMA Pinoy TV at TFC. -- FRJ, GMA Integrated News