Binalikan ni Joross Gamboa ang isang nakakatuwang karanasan noong mag-todo acting pa siya sa kaniyang pinakaunang ginawang commercial, hanggang sa mapanood niyang rubber shoes lang pala niya ang ipinalabas at blurred ang kaniyang mukha at katawan.

Sa online talk show na “Just In,” kung saan host si Paolo Contis, inilahad ni Joross na na-discover siya noon sa Eastwood sa Quezon City ng dating manager ni Katrina Halili na si Jun Reyes.

“Noong nakilala ako sa Eastwood, ‘Uy gusto mo bang maging [artista]? Sabi ko ‘Ayoko, commercial na lang. Kasi noong mga panahon ko nu’n, nababaduyan ako sa artista, mga umiiyak. Hindi ako nanonood, wala talaga akong kakilalang mga artista,” saad ni Joross.

“Feeling ko mas susyal kapag mga commercial model,” dagdag niya.

Sa kaniyang unang commercial, nakasama niya si Charlene Gonzales.

Humahanap daw noon ng isang basketball player, at nagkataon namang marunong si Joross sa naturang sport.

“Pasikat ako, dribble dribble akong ganiyan,” kuwento ni Joross.

Matapos makunan, ipinalabas na ang commercial na ginawa ni Joross.

“Tapos noong ipinalabas na ‘yung commercial, first shot rubber shoes ko, bago ‘yung rubber shoes ko nu’n eh. Tuwang tuwa ako, binili ko ‘yan!” pag-alala ng “The Missing Husband” actor.

“Hindi umangat [‘yung shot]. Rubber shoes ganiyan, tapos biglang lumayo, blurred na,” natatawang pag-alala ni Joross.

Hindi nawalan ng pag-asa si Joross na makikita ang mukha niya sa TV.

“‘Hindi meron pa ‘yan, marami akong ginawa diyan eh.’ Siyempre hindi ko naman kabisado ‘yung mga shots. Basta nandoon ako buong araw ng taping ng commercial,” saad niya.

Ngunit natapos ang commercial na ang kaniyang mga sapatos lamang ang ipinakita.

“‘Ito na!’ May nagle-layup pero kamay lang ‘yung nakikita. Tapos tapos na ‘yung commercial. Hindi ako kita, ‘yung rubber shoes ko lang,” sabi ni Joross.

“Ano ang naramdaman mo noon?” tanong ni Paolo.

“Ahh, betrayed?” sagot ni Joross, sabay pareho silang malakas na nagtawanan nina Paolo.

“As talent pala ako, hindi pala ‘yung bida, si Charlene Gonzales ‘yon,” sabi ni Joross. —VBL, GMA Integrated News