Ibinahagi ni Beverly Vergel ang opisyal na pahayag ng pamilya ni Patrick Guzman, kaugnay sa biglaang pagpanaw ng aktor noong June 15, 2023 sa edad na 56 sa Canada.

Sa Instagram, ni-repost ni Beverly ang naturang statement ng maybahay ni Patrick na si Liezle.

Nakasaad dito ang detalye sa burol at cremation sa mga labi ni Patrick, na kabilang sa heartthrob ng Philippine showbiz noong dekada 90's.

 

 

Pumanaw ang aktor makaraang atakihin sa puso sa Toronto, Canada.

Sa naunang post ni Beverly, binalikan niya ang pelikulang ginawa nila ni Patrick na "BROmance The Movie.”

Saad ni Beverly na siyang writer at nagdirek ng pelikula, kaagad na tinanggap ni Patrick ang proyekto kahit hindi pa nito nakikita ang script.

"I was excited to have you as the lead actor. You said yes without seeing the script! Thank you for your trust, Patrick," ani Beverly. "Although you expressed reluctance because you haven’t acted onscreen for a long time, it was a full-length comedy film."

Nakita raw ni Beverly ang kasiyahan ni Patrick sa kanilang comedy workshop.

"You enjoyed the funny and silly exercises despite the whole body workout. It was one full day of laughter. I will forever cherish those memories," patuloy niya.

Ilan sa mga pelikulang ginawa noon ni Patrick habang nasa Pilipinas ang "Sa Piling ng Iba,"  "Unang Kang Naging Akin" at "Chick Boy." --FRJ, GMA Integrated News