Ipinagtanggol ni Ricci Rivero ang dating beauty queen at konsehala na si Leren Mae Bautista mula sa mga basher na pinagduduhan na siya ang dahilan sa breakup nila ni Andrea Brillantes.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, nilinaw ni Ricci na magkaibigan lang sila ng konsehala ng Los Baños, Laguna.

Paliwanag ni Ricci, ang larawan na magkasama sila ni Leren ay kuha sa isa nilang outreach program.

"Tito Boy, wala pong kinalaman dito si Councilor Leren," giit ni Ricci. Aniya, ang naturang outreach ay bahagi ng kaniyang birthday celebration, at ginagawa raw niya taon-taon mula pa noong nasa kolehiyo siya.

Ayon pa kay Ricci, hindi pa lumalabas sa publiko ang hiwalayan nila ni Andrea nang lumabas ang larawan.

"Walang kadeny-deny dun sa picture," anang basketbolista. "Pag-post niya po kasi sobrang daming bash agad and hate messages, so siguro 'yung fear na ma-misinterpret ng tao dahil 'di naman po out 'yung breakup namin kaya she took the story down."

Ayon pa kay Ricci, hindi niya nililigawan si Leren, at mayroon silang common friends.

Nauna nang naglabas ng pahayag si Leren para itanggi ang mga hinala na may relasyong romantiko sila ni Ricci.

Ipinaliwanag din ni Ricci na hindi kaagad nila isinapubliko ang kanilang paghihiwalay dahil na rin sa kahilingan umano ni Andrea.

Nitong nakaraang linggo, inanunsyo ni Ricci ang kanilang breakup sa Twitter post, at hiniling niya sa fans na igalang ang kanilang desisyon.—FRJ, GMA Integrated News