Hindi napigilan ng cast ng "Voltes V: Legacy" na maging emosyonal sa last taping nila makaraang magkaroon pa sila ng extra na 10 episodes.

Malungkot man, sobrang nagpapasalamat ang Miguel Tanfelix, Radson Flores, Matt Lozano, Raphael Landicho, at Ysabel Ortega sa oportunidad na ibinigay sa kanila, at sa mainit na pagtanggap ng fans, ayon sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras"nitong Lunes.

Doon talaga nag-sink in na oh my gosh tapos na,  this journey is officially done," ani Ysabel. "Hindi na namin maisusuot yung costume sa set, hindi na namin makakasama ang isa't isa sa set. Talagang grabe rin yung relationship na na-build namin."

May ilang episode na lang ang natitira sa hit series at hindi raw dapat palampasin ang iconic battle ng magkapatid sa ama na sina Prince Zardoz (Martin del Rosario) at Steve Armstrong (Miguel).

"Ano kaya ang magiging reaksyon ni Steve kapag nalaman niya na ang mortal enemy niya ay kapatid niya," ani Miguel.

Nais ni Ysabel na magkakasama ang cast kapag pinanood ang finale ng serye para tuloy-tuloy na rin sa thanksgiving.

Sa Instagram, nag-post din si Ysabel ng larawan ng team at sinabi niya sa caption na: "In a span of [three] years, from strangers, naging pamilya ko na kayo. Mahal na mahal ko kayong apat."

"I am so proud of each and everyone of you and I'm so happy and proud na kayo ang mga nakasama ko sa journey na ito. Congratulations sa atin and mahal ko kayo!"

Sa extra episodes, nakasama sina Contessa Zaki (Vaness del Moral), Arisa (Kylie Padilla), at Takeo (Pancho Magno).—FRJ, GMA Integrated News