Ikinuwento ni Dennis Trillo na tumagal ng isang taon ang relasyon nila noon Jenylyn Mercado bago sila naghiwalay. Pero nang magkabalikan, batid nilang pareho na sa kasalan na hahantong ang kanilang second chance.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, binalikan ni Dennis na una silang naging magnobyo ni Jennylyn sa kanilang ikalawang show sa Kapuso Network na tumagal ng isang taon.

"Nagkahiwalay din kami. After ilang years, nag-reach out uli kami sa isa't isa. Tamang-tama naman, pareho kaming walang partners, single kami pareho," anang Kapuso Drama King.

"Siguro na-miss namin 'yung isa't isa dahil katulad ng kuwento ng 'Love Before Sunrise,' ito 'yung second chances na sinasabi. Nangyayari talaga 'yun sa totoong buhay. 'Pag nangyari 'yon, mas maganda dahil pareho na kaming matured, pareho na kaming established at handa," paliwanag ng aktor.

"Siguro sa tingin din namin wala nang makakapag-experience sa amin ng pagmamahalan na 'yon," dagdag pa ni Dennis.

Ayon kay Dennis, nagkahiwalay sila noon ni Jennylyn dahil sa pagiging immature nila.

"Bata pa rin po kami pareho, immature ang pag-iisip. 'Yung mga sitwasyon namin noon ay hindi rin gano'n ka-clear pa ang mga gusto naming mangyari. Kaya gano'n nagpahinga kami, naghiwalay sandali pero ang ending nagkabalikan din naman," saad niya.

Nang magkabalikan, naging mas maganda na ang takbo ng relasyon nina Dennis at Jennylyn, at natuklasan nilang sa kasal na ito matutuloy.

"Early on pa lang before pang mangyari ang mga proposal, noon pa lang, tawagan na namin sa isa’t isa 'asawa.' Alam na namin na doon na talaga papunta ito. Kailangan lang maghanap ng perfect timing para mangyari na ang lahat ng ito," saad ni Dennis.

Naghiwalay sina Jennylyn at Dennis noong 2011, ngunit nagkabalikan noong 2015. Ikinasal sila noong 2021.

Mayroon na silang isang anak na si Dylan, na isinilang ni Jen noong 2022.  

Mayroon ding anak si Dennis sa dati niyang karelasyon na si Carlene Aguilar na si Calix. Habang si Alex Jazz naman ang anak ni Jennylyn sa dati niyang nobyo na si Patrick Garcia. -- FRJ, GMA Integrated News