Inanunyo ng PPop group na SB19 ang petsa at mga lugar na pupuntahan ng grupo para sa kanilang 'PAGTATAG' concert tour sa Asya.

Sa video announcement nina Pablo, Josh, Stell, Ken, and Justin, sinabi ng grupo na magtatanghal sila sa Capitol Theater sa Singapore sa November 15.

Susundan ito ng kanilang show sa KBank Siam Pic-Ganesha Theatre sa Bangkok, Thailand sa November 18.

May concert din ang SB19 sa Sheikh Rashid Auditorium sa Dubai sa November 24. At asahan pa ang ibang schedule sa December.

 

 

Inanunsyo ito ng SB19 makaraang ibalita nila na magkakaroon sila ng sarili nilang kompanya na 1Z Entertainment.

Nakatakdang magdaos ng fan meet ang SB19 ngayong October para sa ika-limang anibersaryo ng kanilang grupo.

Tatawagin itong ONE ZONE, na gaganapin sa October 28 sa Araneta Coliseum sa ganap na 7 p.m.

Matatandaan na naging matagumpay ang US at Canada PAGTATAG! World Tour ng grupo, at nagtanghal pa sila sa JVKE’s concert.

Ang tour ay ipinangalan sa kanilang second EP, na kasama sa top hits ang “GENTO” at single na “I WANT YOU.” —FRJ, GMA Integrated News