Muling nakasama-sama sa stage ng "It's Showtime" sina Vhong Navarro, Billy Crawford, at Luis Manzano.

Sa episode ng nasabing noontime show nitong Martes na ipinapalabas din sa GTV, may birthday production number si Vhong na isa sa mga host.

Sorpresa naman lumabas si Billy, na dati ring kabilang sa programa at sumayaw sa “BillyVhong” song nila ni Vhong.

Matapos ng naturang production number, si Luis naman ang nagpakita sa stage at nagtanghal ng kaniyang “How 2BU (Ang Gwapo Po)” song.

Nang magsama ang tatlo, hindi nila pinalampas na awitin at sayawin ng "Papaya" song ng ama ni Luis na si Edu Manzano.

 

 

Magkakasama sa grupong tinatawag na "Kanto Boys" sina Billy, Vhong, at Luis na binuo  sa isang weekly musical show noong 2009.  Kasama rin sa kanilang grupo si John Lloyd Cruz.

Nitong nakaraang Nobyembre, bumisita si Billy sa “It’s Showtime. Kasama niya ang kaniyang asawa na si Coleen Garcia, at anak nilang Amari para maging surprise guests sa “Magpasikat” production ni Vice Ganda.

Sa naturang episode, humingi ng paumanhin si Billy kay Vice at sa "madlang pipol."

Sinabi naman ni Vice na nagkaayos na sila ni Billy.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” noong September, inamin ni Billy na nagbago ang relasyon niya sa mga dating kasama sa “It’s Showtime” mula nang magka-pandemic.

Napapanood ang "It's Showtime" sa GTV mula Lunes hanggang Sabado sa ganap na 12 p.m.—FRJ, GMA Integrated News