Inihayag ni Jennylyn Mercado na bukod sa pinagkakaabalahang Kapuso drama series na “Love. Die. Repeat.,” naghahanda rin siya para sa kaniyang bagong pelikula at album.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa 24 Oras nitong Biyernes, sinabing sikreto muna kung sino ang makakasama ni Jen sa pelikula.

“Excited na excited ako kasi unang-una pa lang nilang binigay sa akin ‘yung script sabi ko, ‘Ay gusto ko talagang gawin ito. Gusto ko siyang gawin.’ Dito nakikita ko ‘yung sarili ko bilang asawa, bilang girlfriend noon,” sabi ng Ultimate Star.

Samantala, ikinatuwa ni Jennylyn ang magandang tugon ng viewers sa Love. Die. Repeat. na pinagbibidahan nila ni Xian Lim.

Mas dumami pa ang bashers ng co-star nilang si Valeen Montenegro na gumaganap bilang Chloe dahil sa kaniyang mga eksena.

“Masaya na maraming mga nanonood na nakaka-relate du’n sa kuwento. Naku, ang dami palang mga nasasaktan lately,” natatawang sabi ni Jen.

“Pero siyempre, masaya ako na maganda ‘yung takbo ng show namin at ‘yung ratings niya,” dagdag niya.

Sinabi ni Jen na lalong magiging kaabang-abang ang mga mangyayari sa kaniyang karakter na si Angela.

“Madami nang problema si Angela. So, nadagdagan pa ‘yung problema niya na nalaman niya na buntis si Chloe. At ngayon talagang matutuloy na ‘yung pag-alis niya.”

Ngunit sa tunay na buhay, #blessed si Jennylyn at asawang si Dennis Trillo.

Kabilang sa kanilang bonding activities ang health at fitness.

“As much as possible, gusto namin talagang nakakapag-workout. Hindi kami masyadong nagda-diet at na-enjoy namin ‘yung food talaga eh. Pero ‘yung sa workout talaga, doon kami bumabawi,” sabi niya.

Bukod dito, masaya rin si Jen para sa showbiz careers ng mga batchmate niya sa StarStruck na sina Yasmien Kurdi, Katrina Halili, at Nadine Samonte.

“Gusto ko silang makatrabaho rin sa future kasi ang tagal din namin nu’ng huli pa kami nagkita-kita at nagkasama-sama sa isang project,” sabi ni Jennylyn. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News