Muling pumirma ng kontrata sa Kapuso Network ng GMA si Michael V. nitong Lunes. Handa na rin kaya siyang bumalik sa pagho-host ng variety o game show?

“Parang hindi pa time. There’s a reason why I left 'Eat Bulaga' before. I think it’s the same reason kung bakit hindi pa siguro ako sasabak,” ayon kay Michael V na kilala rin bilang si Bitoy.

Kabilang sa mga host ng Eat Bulaga si Bitoy mula 2004 hanggang 2016.

Sa isa niyang vlog, ipinaliwanag ng multi-awarded comedian na umalis siya noon sa noontime show dahil sa dami ng proyekto na kailangan niyang asikasuhin

Bukod sa “Eat Bulaga,” nag-host din si Bitoy ng “Hole in the Wall,” kasama si Ogie Alcasid. At ang talent show na “Bitoy’s Showwwtime” at “Lip Sync Battle Philippines.”

Sa ngayon, kabilang sa mga programang ginagawa ni Bitoy sa GMA ang "Bubble Gang,” at ang TV sitcom na “Pepito Manaloto.”

Noong 2019, sumabak si Bitoy bilang bida at direktor ng pelikulang "Family History."

Nitong nakaraang taon, kinilala ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang Kapuso comedian bilang isa sa mga comedy icons ng Pilipinas.— FRJ, GMA Integrated News