Pinasalamatan ni Andi Eigenmann ang kaniyang fiancé na si Philmar Alipayo dahil sa ibinibigay nitong suporta sa kanilang pamilya sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.

Sa Instagram, nag-post si Philmar ng video habang nagyo-yoga kasama ang kanilang anak na si Lilo, at naglalaro naman sa tabi ang isa pa nilang anak na si Koa.

“Morning routine with my labs,” saad ni Philmar.

Sa comment section, inihayag ni Andi na sasama rin siya sa kanilang ginagawa "soon."

“Thanks for being our support system during this time,” sabi pa ni Andi.

 

 

Kamakailan lang ay pumanaw ang ina ni Andi na si Jaclyn Jose dahil sa sakit sa puso.

Sa naunang post, ibinahagi ni Philmar ang huling mensahe na natanggap niya mula kay Jaclyn na nagbibilin na alagaan ang kaniyang anak at mga apo.

“Any which way… Take care of my daughter and my apos…” saad sa mensahe. “Alam mo? Mahal kita, Philmar. You are the father of my apos, salamat.”

Nagpasalamat din si Philmar sa namayapang aktres sa pagmamahal at pag-aalaga sa kanilang anak.

Bukod kina Lilo at Koa, may isa pang anak si Andi na si Ellie, mula sa dati niyang karelasyon Jake Ejercito.—FRJ, GMA Integrated News