Itinanggi ni Paolo Contis ang mga bali-balitang may tampo siya sa GMA Network, na pakana umano ng mga nais gumawa ng "content."

Sa launching ng GMA Entertainment Group na “Basta’t Sama-Sama… Best Time Ever” campaign nitong Biyernes, tinanong si Paolo, kung ano ang kaniyang birthday wish ngayong 40-anyos na siya.

“Wala po akong wish. Nais ko lang pong magpasalamat sa suporta ng GMA-7 sa akin. Again, I wanna thank GMA for always supporting me, for always supporting the show,” saad ng aktor.

“May kumalat po na may tampo ako sa GMA. Hindi po ‘yun totoo. Pero pagbigyan na po natin ‘yung mga nagkakalat no’n. Content po nila ‘yon, para po sa kanila ‘yon,” dagdag pa ni Paolo.

Muling inihayag ng “Bubble Gang” host ang kaniyang pasasalamat sa Kapuso network.

“It’s not true. I love GMA, and I’m very thankful to GMA. They’ve been supporting me during the time na kahit hindi ako kasupo-suporta. So walang dahilan para magtampo ako sa GMA,” dagdag pa niya.

Bahagi si Paolo ng noontime show “Tahanang Pinakamasaya,” na nagtapos ang pag-ere kamakailan.

Nitong Huwebes, nag-post sa Instagram ang nobya niyang si Yen Santos ng maigsi pero sweet na birthday message para kay Paolo.

"Screaming happy 40th birthday to my best friend!," saad ni Yen. "Thank you for everything you do," dagdag pa nito. — mula sa ulat ni Carby Basina/FRJ, GMA Integrated News