Hanggang ngayon, dama pa rin ni Randy Santiago ang kirot sa pagpanaw ng kaniyang anak na si Ryan.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, sinabi ni Randy na labis siyang nangungulila sa kaniyang anak.

“Iniiyak mo na lang ‘yon," sabi niya kay Tito Boy.

Ayon kay Randy, nasa bahay pa rin nila ang urn o ang mga abo ni Ryan, at mananatili ito sa kanila hangga't puwede.

Nang tanungin ni Tito Boy si Randy kung ano ang sasabihin niya sa anak kung mabibigyan siya ng pagkakataon na makausap ito, sinabi ng singer-actor-director na, “Samahan mo kami – ako.”

Aminado siya na nalulungkot siya kapag nakikita niya ang mga lumang larawan at video ni Ryan.

“Kapag naghahanap ka ng mga pictures, makikita mo ang anak mo 'di 'ba. Tapos 'di lang pictures, pati ‘yong mga videos, biglang malulungkot ka na lang. Lalo na noong may sakit siya,” saad niya.

“Seven years na 'yan, Tito Boy, pero andon pa rin ‘yong kirot," ani Randy. "Masakit.”  

Pumanaw si Ryan noong August 2017 sa edad na 24 dahil sa karamdaman.

Isa si Ryan sa tatlong anak nina Randy at Marilou Coronel. — FRJ, GMA Integrated News