Sinabi ni Shaira Diaz na napag-uusapan na rin nila ni EA Guzman kung sino sa kanila ang hahawak ng pera kapag ikinasal sila dahil isa umano ito sa pinagtatalunan ng mga mag-asawa.

“Yes. Actually alam nga namin ang savings ng bawat isa. Parang ginagawa namin siyang inside joke sa amin na ‘O ayan na naman ang laki ng papasok sa ‘yo. Maglibre ka naman!’” kuwento ni Shaira sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes nang tanungin sa naturang usapin.

Ayon kay Shaira, gusto ni EA na siya ang mag-aasikaso ng kanilang pera sa hinaharap.

“Pero pagdating sa future, kapag ikinasal na kami, very open naman din kami, at si Edgar din po, sinasabi niya na ‘Kapag kasal na tayo ikaw na ang hahawak ng pera natin,’” ayon kay Shaira.

Sinabi ni Shaira na sa 2026 na nila planong magpakasal ni EA.

“Basta ang kasal ay sa 2026?” tanong ng pagkumpirma sa kaniya ni Tito Boy.

“2026, opo,” tugon ni Shaira.

Sinabi ni Shaira na pinaiiral nila ni EA ang celibacy o hindi pagsisiping hangga't hindi pa sila kasal.

“Ako gusto ko talaga dahil naniniwala ako at ino-honor ko talaga po ‘yung mga binigay kong salita sa magulang ko, ‘yung mga binigay nila sa aking advice,” sabi ni Shaira.

“And siyempre sa Bible rin po. ‘Yun naman talaga, na dapat walang ganito before marriage,” dagdag niya.

Ngunit paglilinaw niya, hindi siya tutol sa mga couple na iba ang pananaw at paniniwala.

“Wala talaga akong against sa mga hindi gumagawa noon. Siguro sa akin talaga choice ko talaga na gusto ko na i-save ‘yon sa pagkakasal namin,” anang Unang Hirit host. — FRJ, GMA Integrated News