Nasawi at naputol ang isang paa ang isang lalaki na nagmamaneho ng tricycle matapos siyang mabangga ng motorsiklo sa San Carlos City, Pangasinan. Ang kaniyang misis na pasahero niya, sugatan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente noong hapon ng Huwebes sa Barangay Talang.

Bumili lang umano ng pandesal ang mag-asawang Bernabe at Melissa De Guzman, at pauwi na nang mangyari ang insidente.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang 76-anyos na si Bernabe, habang nagpapagaling ang kaniyang asawa.

Sugatan din ang rider ng motorsiklo na nakabangga sa mag-asawa.

"Malakas talaga [ang bangga] kung hindi malakas bakit naputol yung paa ng asawa ko," sabi ni Melissa.

Ayon sa pulisya, nakatakdang mag-usap ang kaanak ng rider at kaanak ng mag-asawa.

Nakahanda naman daw ang mga anak ng mag-asawa na hindi magsasampa ng reklamo kung tutulungan sila ng pamilya ng rider.-- FRJ, GMA Integrated News