Ikinagulat at ikinatuwa ni Vice Ganda ang surprise birthday celebration sa kaniyang unang paglalaro sa GMA game show na "Family Feud!"

Sa episode nitong Lunes, mga host ng noontime show na "It's Showtime" ang naglaban sa game show na host si Dingdong Dantes.

Kasama ni Vice sa kaniyang team sina Jhong Hilario, Amy Perez at Jugs Jugueta, habang katunggali naman nila sa kabilang team sina Anne Curtis, kasama sina Ogie Alcasid, Vhong Navarro at Teddy Corpuz.

Matapos ipakilala nina Vice at Anne ang kanilang mga miyembro, tinawag na sila ni Dingdong para sa unang tanong.

Tinanong ni Dingdong sina Anne at Vice kung ano ang madalas na kinakanta sa birthday parties. Si Anne ang unang kapindot sa buzzer at sinagot ang, "Happy Birthday."

Tila nalungkot naman si Vice na nakauna ng pagsagot si Anne.

Nang silipin ang board kung top answer ang sagot ni Anne, isa-isang lumabas ang salitang: "Happy Birthday Vice Ganda!"

Makikita ang pagkagulat ni Vice sa sorpresa ng programa at maging ng kaniyang mga kasama.

"Birthday episode ko pala 'to! Wow nakakatuwa naman! Thank you," sabi ni Vice, na inawitan ng audience ng "Happy Birthday."

Binigyan din ni Dingdong si Vice ng bouquet of flowers at binati sa kaniyang kaarawan ang Unkabogable Star.

Nagpasalamat naman si Vice, "Thank you so much! Nakakatuwa."

Kasunod nito ay kinuha ng mga host ng "It's Showtime" ang birthday cake at inawitan na rin si Vice ng birthday song.

"Thank you Dong. Salamat po sa Family Feud. Maraming Salamat. Pinaligaya n'yo po ang puso ko. Salamat," saad ni Vice.

Ang birthday wish ni Vice: "Ang wish ko maging magandang-maganda ang relasyon natin sa ating bagong tahanan sa GMA. At sana nga dumami nang dumami pa ang mapapasaya nating lahat."

Ipinagdiwang ni Vice ang kaniyang 48th birthday noong March 31.  Nagkaroon din ng birthday celebration sa unang paglabas ng "It's Showtime" sa GMA channel 7 nitong nakaraang Sabado.

Sa naturang laro nila sa Family Feud ang team ni Vice ang nanalo laban sa team ni Anne. Pero bigo namang manalo ang team ni Vice sa Fast Money round. —FRJ, GMA Integrated News