Labis ang saya ni Sofia Pablo sa ginanap na tropical-themed party sa kaniyang 18th birthday. Ang Kapuso teen actress, inihayag ang kaniyang mga kinapapanabikan ngayong legal age na siya.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo,  sinabing sa isang 5-star hotel sa Makati ginanap ang birthday party ni Sofia.

Star studded ang kaniyang birthday party na dinaluhan ng mga Kapuso stars at GMA executives.

Ang 18 roses na tradisyon sa debut, ginawang 18 TikTok dances na kinabilangan nina Wendell Ramos, Ruru Madrid, Miguel Tanfelix, at last dance na si Allen Ansay, na kaniyang ka-love team.

Ngayong 18-anyos na siya, excited si Sofia sa mangyayari sa kaniyang acting career.

"Mas hindi na limited yung characters na puwedeng gampanan. Kasi like before may mga hindi pa puwede...masyado pa siyang bata, laging ganoon," sabi niya.

Kaya inaasahan ni Sofia na mas marami nang roles ang puwedeng maibigay sa kaniya.
At ang isa pang kinapapanabikan ni Sofia ngayong legal age na siya, "Excited na akong matutong mag-drive."

Nakatakdang bumida sina Sofia at Allen sa upcoming GMA Afternoon Prime series na "Prinsesa ng City Jail."-- FRJ, GMA Integrated News