Pumanaw na sa edad na 80 ang veteran Filipino writer-director at comic strip creator na si Carlo J. Caparas.

Kinumpirma ito ng anak ni Carlo na si Peach Caparas sa Facebook post.

Hindi binanggit kung ano ang dahilan ng pagpanaw ng batikang nobelista at direktor.

Sa post, isang tula ang inialay ni Peach na may kasamang black-and-white portrait ng kaniyang amang si Carlo.

“Sa Bawat Tipa ng Makinilya,” saad niya. “Sa kanyang taglay na brilyo mga obra maestrang nobela kaniyang nabuo.”

“Panday, Pieta, Elias Paniki, Bakekang, Totoy Bato ang ilan lamang sa mga ito,” patuloy niya.

Ayon pa kay Peach, “Dad, you will forever be loved, cherished, and honored…by all of us.”

Bubuksan umano ang burol ni Carlo simula sa tanghali ngayong Lunes hanggang hatinggabi sa Golden Haven, C-5 Extension sa Las Piñas City.

Ilan sa mga isinulat na kuwento ni Carlo na nalathala sa komiks ay ginawang pelikula, gaya ng Panday, Totoy Bato, Bakekang, Gagambino, at Elias Paniki.

Naging direktor din siya sa pelikula na tinawag na "massacre" movies" gaya ng “The Vizconde Massacre” noong 1993.

Noong 2009, hinirang si Carlo na National Artist for Visual Arts and Film, pero pinawalang-bisa ng Supreme Court noong 2013.

Naging kabiyak ni Carlo si Donna Villa, na pumanaw noong 2017 dahil sa cancer. —FRJ, GMA Integrated News