Matapos ikuwento ang pagkikipagkasundo ni Keempee de Leon sa kaniyang amang si Joey de Leon, ibinahagi rin ng aktor kung paano sila nagkaayos ng kaniyang ina na si Daria Ramirez.

“Si mommy naman, two years kami halos hindi nagkita. Walang connection. Nakita ko lang 'yung interview niya with Ogie Diaz. So, nilabas niya lahat 'yung sama ng loob niya,” saad ni Keempee sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Ako naman, nagulat ako. Sabi ko ‘Saan nanggaling ito? Bakit ganito?’ Tinawagan ko 'yung sister ko, si Phoebe sa States. Sabi ko, ‘Ano 'yung interview ni mommy na ganito?’”

Sinubukan daw ni Keempee na kausapin ang inang si Daria, ngunit hindi ito sumasagot.

“I'm trying to call her, text her. Wala. Hindi siya nagre-reply.”

Ngunit sa pamamagitan ng kaniyang pamangkin na si Sofia, na anak ng kapatid niyang si Cheenee de Leon, muli niyang naka-ugnayan ang kaniyang ina.

“Tapos nag-meet up sila. My mom is crying to her na na-realize niya na mali nga 'yung ginawa niya, 'yung sa interview na sinabi niya. Kumbaga may mga nasagasaan din siya in a way,” ayon kay Keempee.

Sinabi ni Keempee na hindi na sila nagtalo ng kaniya ina dahil sapat na sa kaniya na mapagtanto nito kung ano man ang nagawang pagkakamali.

“So nu’ng in-invite namin siya nu'ng Christmas, doon na lang talaga kami nakapag-usap talaga. Hindi na namin pinag-usapan kung ano 'yung nangyari. Siya na 'yung kusang nagkuwento. Sabi ko lang, ‘My [mommy], kalimutan mo na 'yon. Move on tayo. Kung ano may nangyari na sabi mo, kalimutan mo na 'yon. Kung pinagsisisihan mo, so be it, tapos na 'yon. You don't have to dwell on the past. That's the past,’” patuloy niya.

“‘Kasi ang future natin, nasa harap, wala naman sa likod. So you have to move on, you have to step forward, look on the brighter side,’” pagpapatuloy ni Keempee na sinabi niya noon sa ina.

Matapos daw nito, mas napapalapit pa ang kaniyang inang si Daria sa Panginoon.

“And thankful ako kay God, kasi mom ko, she reads the Bible now. She got closer to God. Sabi ko, grabe 'yung binago ng Diyos 'yung puso ng nanay ko na, we share, everyday talaga, we send messages and prayer,” ayon sa aktor. -- FRJ, GMA Integrated News