Emosyonal si Derrick Monasterio nang ikinuwento na nalagay sa alanganin ang buhay ng nobyang si Elle Villanueva matapos itong madulas sa Swiss Alps sa Switzerland noong Pebrero.
Sa media conference ng bagong Kapuso series na “Slay” sa Luxent Hotel sa Quezon City, ibinahagi ni Derrick na matapos ang insidente, mas pinahahalagahan niya ngayon na ligtas at buhay si Elle.
“She almost died. Nasa [Swiss] Alps kami tapos nadulas siya, dire-diretso lang siya pababa,” pagbabahagi ni Derrick na nagsimulang maging emosyonal.
“Sobrang taas, two-storey high slope without seeing the end kasi sobrang foggy,” dagdag niya.
Hindi itinago ni Derrick na nakaramdam siya ng takot na mawala ang taong kaniyang minamahal.
“Buti na lang safe kami, pero ‘yun ‘yung nagpa-realize sa ’kin na life is short,” sabi ng Sparkle actor.
“Huwag mong i-take for granted ‘yung buhay,” ayon pa sa kaniya.
Sa kaniyang Instagram account, nag-post si Derrick noong nakaraang buwan ng pictures nila ni Elle sa Alps. Sa caption, binanggit ng aktor ang nangyaring insidente.
"Something really really CRAZY happened here almost life changing that we both got to appreciate every second of our lives even more. We got that moment on tape and @_ellevillanueva will post about it soon. Scariest moment of my life," pahayag niya.
Bukod sa Switzerland, nasaksihan din ng Kapuso couple ang Northern Lights sa Iceland noong Pebrero.
Bumibida si Derrick sa “Slay,” na kauna-unahang Viu Original ng GMA Network, kasama sina Julie Anne San Jose, Gabbi Garcia, Mikee Quintos, at Ysabel Ortega.
Mapanonood ang GMA Prime sa Marso 24, at napanonood din sa Viu Philippines.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News