Matapos ang drinking session ng mga male housemate sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition," nagkaroon na ng lakas ng loob si Will Ashley na magpahayag ng kaniyang saloobin kay Bianca De Vera, kaugnay sa "isyu" sa kanila, dalawang taon na ang nakararaan.
Sa episode ng reality series nitong Miyerkules, nagkaroon ng heart-to-heart talk sina Will at Bianca, para ayusin kung ano man ang hindi nila naging pagkakaunawaan noon.
"For the past two years, I've never got to talk serious, hindi natin napag-usapan nang maayos what we needed na mapag-usapan talaga," ayon sa aktor.
"Pero I appreciate you for understanding ano ba talaga the patience you gave me, sobrang na-appreciate ko talaga," dagdag niya.
Ayon kay Will, gusto niyang makilala pa si Bianca bilang tao, at hindi lang bilang isang kapuwa-artista, katrabaho, o ka-love team.
"I want to take this opportunity to tell you what I feel because I can't tell you this tomorrow kasi wala akong lakas ng loob talaga. Kilala mo naman ako as a person. I don't really confront. I just wanted you to know na I appreciate you. I hope na alam mo 'yun," patuloy ni WIll.
Emosyonal naman si Bianca na sinabing, "Thank you, that took you two years to tell me."
"I don't know what to say. I'm just listening to you. I'm just grateful na na-open up mo 'yun because I never got to hear those words from you in two years. Na-appreciate kita," dagdag ng dalaga.
Binanggit ni Will ang tungkol sa sinabi ng kapuwa-housemate nila na si Dustin Yu, na umaming may gusto siya kay Bianca.
"I know you guys, Dustin and you, meron kayong own understanding, meron kayong let's say own world sa pagkakaintidi ko lang," ani Will. "Pero I wanna be there for you. I wanna comfort you bilang the one na makakaintindi sa 'yo the most."
Sinabi ni Will kung gaano siya natutuwa na nagkasama sila sa bahay ni Kuya sa PBB.
"I just hope na maging OK talaga 'to as a second chance. Na-appreciate ko 'yun kung paano kita nakikita every day kasi hindi naman natin nakikita 'yung isa't isa kung paano talaga tayo, nag-lock in tayo pero hindi 'yung ganito," patuloy ng binata.
"I want to let you know na na-appreciate kita and the bond that we have two years ago, hindi naman nababalik 'yun pero we can start a new friendship. I don't know kung ano kalalabasan niya but we'll get there," dagdag niya.
Sinabi rin ni Will na tatanggapin niya ano man ang magiging desisyon ni Bianca, at magiging masaya siya kung masaya ang aktres.
"Kung ano man 'yung kalabasan, i-accept ko fully kung ano man kaya mong ibigay, i-accept ko talaga fully. I know it's not easy naman but I appreciate na little by little nangyayari 'yun," sabi pa ni Will.
"Gusto ko lang maging comfortable ka talaga sa 'kin, gusto ko isa ako sa masabihan mo ng problems mo kasi ako personally gusto ko talaga ikaw 'yung masabihan ko ng problems ko. Kasi ikaw lang talaga 'yung nakakaintindi sa akin out of all people dito sa loob ng bahay. 'Yun lang talaga intensyon ko and I hope mabigyan mo ko ng chance to do it," patuloy niya.
Hiniling ni Bianca kay Will na mag-usap na lang sila sa susunod at bigyan siya ng pagkakataon na maiproseso ang kaniyang nararamdaman at mga nais sabihin.
"Sorry, I want to open up to you. I just don't know where to start," paliwanag ni Bianca.
Pumayag naman ang aktor.
"Hindi mo kailangan pilitin just because I opened up to you. Whenever you're ready talaga," tugon nito.
Una rito, napag-usapan nina Will at Bianca ang tungkol sa kanilang nakaraan nang magkasama sila sa TV series na "Unbreak My Heart," na first collaboration series ng GMA Network at ABS-CBN noong 2023. — mula sa ulat ni Josiah Antonio/FRJ, GMA Integrated News