Bumida si Catriona Gray sa dalawang promotional video ng "Jurassic World: Rebirth" na kinunan sa Thailand, na tila hinahabol siya ng mga dinosaur.
Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Miss Universe 2018 ang dalawang maikling clip, isa kung saan sumama siya sa isang grupo na nakasakay sa inflatable boat, habang ang isa naman ay tumatakbo siya para takasan ang isang dinosaur.
“Here it is!! So what’s the verdict? Did I become a Dino-snack?” sabi ni Catriona sa kaniyang caption.
Sa nakaraang post, sinabi ni Catriona isa sa "coolest experiences" niya ang makunan para ma-edit sa mga trailer ng Jurassic World Rebirth.
“Each of us were given the opportunity to create two trailers and I had so much fun - although, I feel like I give off energy of the characters who get eaten by the dinosaurs first,” ani Catriona.
Bukod dito, sumama rin si Catriona sa isang junket para sa pelikula at nakipag-bonding kay Antonia Porsild.
Sa direksyon ni Gareth Edwards, ang "Jurassic World: Rebirth" ay tungkol sa isang pangkat ng mga espesyalista na nagtungo ang isla na kinaroronan isang research facility para sa orihinal na "Jurassic Park," na bawal nang puntahan.
Pinagbibidahan ito nina Scarlett Johansson (Zora Bennett), Jonathan Bailey (paleontologist na si Dr. Henry Loomis), at Mahershala Ali (Duncan Kincaid). -- FRJ, GMA Integrated News