Guilty ang naging hatol ng korte sa Bacoor, Cavite sa aktor na si Archie Alemania na duminig sa kasong acts of lasciviousness na isinampa laban sa kaniya ng aktres na si Rita Daniela.

Sa isang 21-pahinang desisyon, hinatulan ng Bacoor Municipal Trial Court in Cities Branch 2 si Alemania ng pagkakakulong ng mula isang buwan at isang araw hanggang isang taon at isang araw.

“Based on the factual finding that the apology text of the accused referred to his actuations inside the car, he effectively admits his complicity which is analogous to voluntary admission that allowed the truthful prosecution of the case,” saad sa desisyon.

Inatasan din ng korte si Alemania na magbayad ng ?20,000 bilang danyos at moral damages, bawat isa, na may 6% na interes bawat taon mula sa petsa ng pinal na desisyon hanggang sa lubusan itong mabayaran.

Sa reklamo ni Daniela, sinabi niyang hinalikan at hinipuan siya ni Alemania nang walang pahintulot. Paulit-ulit din umano siyang sinabihan ng malalaswang biro matapos ang dinaluhan nilang Thanksgiving party noong nakaraang Setyembre.

Ayon pa sa aktres, nagbitiw din ng mga malalaswang pahayag si Alemania sa kaniya habang nasa naturang kasiyahan.

Sa isang pahayag, ikinatuwa ng kampo ng aktres ang desisyon ng korte.

“Of course we are very happy with the decision. Rita fought and she attained justice,” ani Atty. Maggie Abraham-Garduque, abogado ni Daniela.

Sa naturang paglilitis, iginiit ng kampo ni Daniela na sapilitan siyang hinalikan, niyakap nang mahigpit, at hinawakan sa katawan ni Alemania kahit tutol siya.

Ayon naman kay Alemania, hinalikan lamang niya si Daniela at wala nang iba.

Sa naging desisyon, sinabi ng korte na kumbinsido ito na si Daniela ang nagsasabi ng totoo.

“Her testimony that she has been kissed, hugged, and touched — against her will — even if not asked directly throughout her testimony, appeared vivid when she was confronted about questions...” saad sa desisyon.

Idinagdag din ng korte na tumutugma ang salaysay ni Daniela sa mga pahayag at kilos ni Alemania. Kabilang dito ang kaniyang galit, mga text message, hindi nasagutang tawag, at ang pagpapaalis sa kaniya na itinuturing na “persuasive pieces of connected evidence” na nagpapatunay ng kaniyang kasalanan.

Itinuring din ng hukuman na malaswa ang mga ginawa ni Alemania.

“He did these acts to a woman, by her lonesome, who had already declined his physical advances. His subsequent actions of kissing her lips, hugging her from the back, and mashing her breasts are lewd,” anang korte.

Walang pahayag si Alemania o ang kampo niya tungkol sa desisyon ng korte na agad na ilalathala kapag mayroon na.. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News