Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos nitong Sabado ang oil companies na ipatupad nang buo at walang pag-antala ang rollback para sa presyo ng diesel at gasolina, sa gitna ng inaasahang malaking bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sa isang video message, sinabi ni Marcos na inaasahang bababa ang presyo ng diesel ng P24.94 kada litro, gasolina ng P3.41, at kerosene ng P2.00.
“Mas malaki ito kaysa sa rollback noong nakaraang linggo at malinaw ang ibig sabihin nito para sa ating lahat. May ginhawang parating,” sabi ni Marcos.
“At sa ating mga oil companies, malinaw naman ang aking panawagan. Ipatupad ninyo ang rollback nang buo, tama, at walang pagkaantala. Ibigay ninyo sa taumbayan ang dapat naman na nasa kanila,” dagdag pa niya.
Sinabi ng Department of Energy (DOE), nitong nakaraang Miyerkoles, na maaaring asahan ang isa pang round ng rollback sa susunod na linggo.
Karaniwang inaanunsyo ng fuel retailers ang mga opisyal na pagsasaayos sa presyo tuwing Lunes, na ipatutupad sa susunod na araw.
Kaugnay naman sa sektor ng transportasyon, sinabi ni Marcos na magpapatuloy ang tulong na P10 diskuwento sa gasolina para sa mga PUV at bus, pati na rin ang Service Contracting Program para sa mga drayber ng PUV.
“Ang bawat sentimo na ibinababa ay dapat maramdaman ng bawat Pilipino. Alam naman namin kung gaano ka-halaga ang oras ng bawat kababayan natin. Ang bawat oras natin ay dapat ginugugol sa ating pamilya, eskwela, sa trabaho. Hindi po sa nakapila,” sabi niya.
Binanggit din ni Marcos ang pagpapalawig ng Land Transportation Office (LTO) sa bisa ng mga lisensiya at rehistro ng sasakyang de-motor na magtatapos sa Abril 2026 ng karagdagang tatlong buwan sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan, nang walang mga surcharge, parusa, o multa.
Ang mga sumusunod ay sakop ng pagpapalawig:
- Driver's at Conductor's Licenses
- Student-Driver's Permits
- Motor Vehicle Registration
“Batid namin ang sitwasyon ng bawat Pilipino sa panahong ito. Hindi tayo titigil. Hindi tayo uurong. At hindi natin hahayaan na ang ginhawang ito ay hindi po makarating sa taumbayan,” sabi ni Marcos. —VBL GMA News
