Binigyang-diin ng National Nutrition Council (NNC) na dapat maging pang-araw-araw na adbokasiya ang tamang nutrisyon at hindi lamang tuwing National Nutrition Month.

Ito ang mensahe ni NNC Executive Director Dr. Albert Domingo sa ikalawang araw ng “Canvas for Change: Envisioning Healthy Families and a Healthy Planet” na ginanap sa Quezon Memorial Circle nitong Linggo.

“Every July lang po ang Nutrition Month, pero araw-araw po tayong kumakain ng pagkain. Araw-araw tayo namamalengke, araw-araw tayo pumipili kung anong ipapasok sa ating katawan,” ani Domingo.

Ayon kay Domingo, bagama’t unti-unti nang tinutugunan ng bansa ang mga suliranin tulad ng stunting, wasting at iba pang anyo ng malnutrition, kailangan ding pagtuunan ng pansin ang overnutrition, o labis na pagkonsumo ng pagkaing mataas sa asin, asukal at taba.

“Kapag nasobrahan naman tayo ng ating asukal, ng ating asin, ng ating taba, nagkakaroon na tayo ng mga tinatawag na non-communicable diseases. Ito ho ’yung mga alam natin na atake sa puso, atake sa utak, o stroke,” aniya.

Sinabi niyang maiiwasan ang marami sa mga sakit na ito kung mababawasan ang pagkain ng matatamis, maaalat at matatabang pagkain.

Binigyang-diin din ni Domingo na mahalagang makalikha ng healthy food environment upang mas madaling makagawa ng tamang food choices ang mga mamimili.

“Hindi po nakikipag-away ang National Nutrition Council sa mga industry players. Gusto natin sila on board.”

Mga artwork na naka-display sa
Mga artwork na naka-display sa “Canvas for Change: Envisioning Healthy Families and a Healthy Planet,” Quezon Memorial Circle, July 26, 2026. Jamie Santos/GMA News

Aniya, mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan at ng food industry upang maisulong ang mga polisiyang magbibigay sa publiko ng sapat na impormasyon tungkol sa kanilang pagkain.

Binanggit din niya ang Calorie Labeling Ordinance ng Quezon City bilang magandang halimbawa ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at pribadong sektor upang matulungan ang mga mamimili na makagawa ng mas maalam na pagpili ng pagkain batay sa calorie content ng kanilang binibili.

Inihayag din ni Domingo na umaasa siyang mas maraming local government units ang magpatupad ng mga kahalintulad na polisiya at maisulong din ang mga panukalang batas na naglalayong lumikha ng mas malusog na food environment sa buong bansa.

Samantala, sinabi ni Quezon City Chief Nutritionist Jirah Sideco na ipinatutupad ng lungsod ang Healthy Public Food Procurement Policy at Calorie Labeling Ordinance bilang bahagi ng pagsusulong ng mas malusog na pamumuhay.

“Ito pong calorie labeling ordinance ay isa po sa paraan para magkaroon ng informed food choice ang ating mga consumers,” ani Sideco.

Ayon kay Sideco, nakikipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa mga food business sa pagpapatupad ng ordinansa, at may ilang local government units na ring nagpahayag ng interes na gamitin itong modelo sa kani-kanilang lugar.

Nanawagan din si Domingo sa mga magulang na maging mas maingat sa pagpili ng pagkaing ihahain sa kanilang pamilya.

“Malaking bagay po ang inyong pagpili. Pero alam rin po namin na mahirap naman pumili ng healthy kung ang pipilian mo puro unhealthy.”

Dagdag niya, patuloy na makikipagtulungan ang NNC, iba pang ahensiya ng pamahalaan, at mga lokal na pamahalaan upang mabigyan ang publiko ng tamang impormasyon tungkol sa masustansyang pagkain.

Pinayuhan din niya ang mga Pilipino na gawing gabay ang tamang paghahati ng pagkain sa plato—mas maraming prutas at gulay sapat na protina at katamtamang dami ng carbohydrates—kasabay ng pag-iwas sa labis na asin, asukal at taba.

Bahagi ng dalawang araw na “Canvas for Change: Envisioning Healthy Families and a Healthy Planet” ang community mural, Healthy Markets Fair na nag-alok ng sariwang prutas at gulay, libreng nutrition counseling mula sa National Nutrition Council, blood pressure screening ng Philippine Society of Hypertension, at pamamahagi ng mga buto at punla ng Department of Agriculture–Bureau of Plant Industry upang hikayatin ang mga pamilyang Pilipino na magkaroon ng mas malusog at mas napapanatiling pamumuhay. — BM GMA News