Isang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia ang patay samantalang sugatan ang tatlo niyang kasamahan nang salpukin ng isang rumaragasang sports car ang kanilang sasakyan kamakailan sa Jeddah.

Sa panayam ng GMA News sa isang biktima, na kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital, sinabi nito na Sabado nang umaga nang mangyari ang insidente habang papunta sila sa isang basketball court para maglaro.

Aniya, dahil sa lakas ng pagkakabangga ay sandali siyang nawalan ng malay.

"Nablanko na po ako nung humampas ako, na blackout na po ako nun totally. Na-conscious na lang po ako nang makita ko yung kasama ko sa ano, na nakahiga na po," pahayag ng OFW na nakiusap na huwag na siyang pangalanan para hindi na mag-alala ang kanyang pamilya sa Pilipinas.

"Tinatapik ko po [yung kasamahan ko], hindi na sumasagot. Tapos yung dito po sa tabi ko umuungol na po siya tapos yung driver po namin nagsasalita na siya na binangga tayo, binangga tayo," dagdag pa niya.

Agad naman silang nadala sa ospital.

Sinabi ng mga kasamahan ng mga nabangga at nakasaksi sa aksidente na bigla na lang daw lumitaw ang isang kulay dilaw na Corvette na sumalpok sa sasakyan ng mga biktima.

Ang namatay na OFW ay nakaupo sa passenger side sa harapan kung saan bumangga ang nasabing sports car.

Sinabi ng supervisor ng namatay na OFW na inamin naman ng nakabangga na mabilis ang pagpapatakbo niya at pumutok ang isang gulong kaya nawalan siya ng kontrol.

Nangako naman daw ang suspek na sasagutin ng kanyang insurance ang gastusin ng mga nabangga niyang mga OFW.

Agad naman ipinagbigay-alam ng grupong Kaagapay Ng Bawat OFW ang aksidente sa tanggapan ng POLO-OWWA sa Jeddah.

Sa pagbisita ng team ng Philippine Overseas Labor Office at OWWA sa ospital para alamin ang kalagayan ng mga nakaligtas at para mabigyan agad ng assistance, napag-alaman nila Labor Attache Nasser Munder at Welfare Officer James Mendiola na ilang buwan nang expired ang OWWA membership ng namatay kaya posibleng hindi ito makakuha ng death benefits.

Sinabi ni Mendiola na mayroon pa rin daw makukuha na benepisyo sa OWWA ang namatay ngunit hindi ito standard na death benefits na ibinibigay sa mga myembro nito.

"Nag-expire po kasi ang OWWA membership niya habang andito pa po siya sa pagtatrabaho. Hindi pa po siya nakabakasyon kaya hindi po na-renew ng membership niya," ani Mendiola.

"But that doesn't mean na wala po syang benepisyo o makukuha na assistance sa OWWA. Papupuntahin po natin yung kamag-anak niya sa Pilipinas sa pinakamalapit na OWWA para mag-inquire duon at mag-request po ng mga necessary assistance."

Panawagan naman ni Munder na dapat na laging active ang OWWA membership ng isang OFW.