Nagbabala ang OCTA Research na may kasamang peligro sa pagdami ng hawahan ng COVID-19 ang mungkahing bawasan ang quarantine period sa mga umuuwing overseas Filipino workers (OFWs)

Sa panayam ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi ni OCTA Research Fellow Prof. Guido David, na bagaman mahirap ang pinagdadaanan ng mga OFW, dapat isaalang-alang ang kaligtasan ng iba, lalo na ang mga nasa Metro Manila na nagsisimula pa lang makabawi mula sa pagsirit ng COVID-19 nitong nakalipas na mga linggo.

“Hindi natin puwedeng ilagay ang lugar natin ang NCR o ang Pilipinas sa panganib. ‘Yung risk na ‘yan, this is real. Totoo ang sinasabi ng ibang experts na kahit mababa ang positivity rate sa mga OFWs, meron pa ring nagpa-positive… May isa lang na makalusot, kakalat na 'yan sa maraming tao,” paalala ni David.

Idinagdag niya na mayroong mga "false negative" results kahit sa gold standard testing na Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test.

Ani David, hindi 100 percent na tama ang resulta ng RT-PCR test.

“So 'pag nag-[false]negative sila sa test at 'di nila tapusin ang quarantine period, posibleng makalat nila' yon [virus] sa NCR and mahirapan tayo niyan kasi nagre-recover tayo. Mamaya, may risk na naman tayo ng outbreak. ‘Di tayo makaka-recover,” paliwanag niya.

Nitong Miyerkules, umapela si Labor Secretary Silvestre Bello kay Pangulong Rodrigo Duterte na bilisan ang COVID-19 test sa mga umuuwing OFWs at bawasan ang araw ng kanilang quarantine period o pananatili sa mga isolation facility.

Paliwanag ni Bello, bumaba na sa 1.5 percent ang testing positivity rate sa mga bumabalik na OFW, mula sa dating 2.07 percent noong 2020.

Ngunit ayon kay Duterte, hindi pa siya handang luwagan ang quarantine at testing protocols sa mga OFWs dahil kailangan niya ring isipin ang kaligtasan ng iba kaugnay sa peligro ng hawahan.

Inihayag naman ng ilang eksperto na maaaring bawasan sa 10 araw mula sa kasalukuyang 14 na araw ang quarantine period sa mga OFW kung negatibo ang magiging resulta ng kanilang COVID-19 test at walang lilitaw na indikasyon ng sakit.--FRJ, GMA News