Sinabi ng isang opisyal ng Department of Labor and Employment na dalawa pang overseas Filipino worker ang kailangang sagipin mula sa mapang-abuso nilang amo na isang retiradong heneral ng militar sa Saudi Arabia.

Ayon kay DOLE-Information and Publication Service (IPS) director Rolly Francia, 16 lahat ang OFWs na kasambahay ng naturang heneral.

Sa naturang bilang, dalawa pa ang naiwan habang napauwi na ang iba pa.

Sinabi ni Francia na imumungkahi nila na magpatupad ng temporary deployment ban sa Saudi Arabia kung magpapatuloy ang pagmamaltrato sa mga OFW.

"Kung hindi maisasaayos ng foreign employers ang kanilang pagpapalaya (sa mga OFWs), baka mapilitan ang ating pamahalaan na muli na namang i-suspend ang deployment sa Saudi," pahayag ng opisyal.

"Sana hindi umabot sa ganiyan kaya nakikiusap ang pamahalaan sa employers to facilitate 'yon pong pagkuha sa ating natitirang kababayan na nandoon sa employer ng general sa Riyadh," dagdag ni Francia.

Una nang naiulat ang tungkol sa limang Pinay domestic helpers na nagreklamo tungkol sa pangmamaltrato ng kanilang amo na isang retiradong heneral.

Maging ang asawa at anak umano ng naturang heneral ay pinagmamalupitan ang mga kasambahay na OFWs.— FRJ, GMA News