Ligtas na isinilang ang isang baby girl habang nasa flight ng Philippine Airlines (PAL) mula Doha, Qatar papuntang Maynila nitong weekend.

Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes, nagtulong-tulong ang mga cabin crew members na sina Scarlett Mercado, Ann Claire Reboron, Philip King Aguilar, Marc Anthony Cue, Clinton Ros, at Merian Buan Ventura para maging maayos at ligtas ang mag-ina.

Dalawa sa cabin crew ay mga registered nurse.

Isinilang ang sanggol dakong 7:20 a.m., mahigit dalawang oras bago lumapag ang eroplano sa Maynila.

Kinilala ang ina na si Teresa May Buiza. Pinangalanan namang Scarlet Ann ang sanggol.

Mula raw ito sa mga pangalan ng dalawang flight attendant na nag-asikasao sa mag-ina.

Pinamunuan naman ni A330 Captain Raniel Viola ang eroplano na may 320 pasahero.

Ayon sa Facebook post ni Cielo Villaluna, spokesperson ng PAL, isa itong karangalan para sa airline. —Sherylin Untalan/KG, GMA News