Kinagigiliwan ng netizens ang isang 68-anyos na lolang vlogger mula Pangasinan sa kaniyang mistulang pag-party sa USA. Ngunit sa likod nito, ang kaniyang matinding pinagdaanan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din sa Saksi nitong Biyernes, ipinakilala si Lola Julie Aoanan, a.k.a. Lola Geng Geng Geng, na pinatunayang age doesn’t matter pagdating sa pag-vlog.

“G na G” si Lola Geng Geng Geng sa kaniyang pag-shoutout sa mga manonood.

Nakuha ni lola ang kiliti ng netizens dahil sa kaniyang tuwa habang nasa trip sa USA.

“Nag-umpisa po ito noong pinasyal po ako ng anak ko sa cherry blossom po. Ang akala ko po roon sa cherry blossom dahil first time kong nakita, mga bulaklak ng isang puno ng kamias,” sabi ni Lola Julie.

Sa likod ng kaniyang saya sa harap ng camera, marami ring pinagdaanan sa buhay si Lola Geng Geng Geng.

Mag-isa na niyang itinaguyod ang pito niyang anak matapos pumanaw ang kaniyang asawa.

“Super the best mom for me, kasi lahat ginawa niya para maitaguyod kami,” sabi ni Mary Jane Aoanan-Tull.

Motto sa buhay ni Lola Geng Geng Geng ang “big no to stress” dahil tumatanda na rin siya.

Para sa senior citizen, mahalaga na masaya siya at naghahatid siya ng saya sa mga taong malapit sa kaniya. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News