Hindi pasyente kung hindi mga hinihinalang puslit na sigarilyo ang nakita ng mga awtoridad na sakay sa isang ambulansiya sa Kapatagan, Lanao del Norte.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing pinara ang ambulansiya sa isang checkpoint sa Bansarvil 1 sa Kapatagan kaninang madaling-araw.
Ayon kay Police Major Joann Navarro, Spokesperson ng Police Regionak Office-10, pinahinto ng mga awtoridad sa checkpoint ang ambulansiya na walang blinder at sirena.
Nang suriin, nakitang may takip na kurtina ang likod nito. Pero nang buksan ang loob ng ambulansiya, tumambad ang ilang kahon na may laman na mga sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon.
Inaresto ang 31-anyos na driver ng ambulasiya at kasama niyang 19-anyos.
Lumalabas sa paunang impormasyon na hiniram umano ng driver ang ambulansiya sa kaibigan nito na empleyado ng lokal na pamahalaan ng Sultan Naga Dimaporo, na pinagmulan ng sasakyan.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente, habang sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga naaresto, at pati na ang pamunuan ng lokal na pamahalaan ng Sultan Naga, ayon sa ulat. – FRJ GMA News
