Nabiktima ang isang babae ng panghoholdap ng apat na menor na edad na lalaki, at natangayan ng cellphone at ATM cards sa Pavia, Iloilo.

Sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Balitanghali nitong Huwebes, lumabas sa imbestigasyon na pauwi na ang babae sa kaniyang boarding house nang lumapit sa kaniya ang dalawang binatilyo at tinutukan siya ng kutsilyo.

Maya-maya pa, kinuha nila at ng dalawa pa nilang kasama ang bag ng biktima na may cellphone at ATM cards.

Batay sa pulisya, una nang nasangkot sa isang gulo ang mga nangholdap.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang tatlo sa kanila na mga edad 14 at 15, habang patuloy na hinahanap ang isa pang 16-anyos na binatilyo.

Magsasampa umano ang biktima ng reklamong robbery laban sa mga binatilyo na itinuturing mga Children in Conflict of the Law o CICL.

Tumanggi namang humarap sa media at magbigay ng pahayag ang kanilang mga magulang. – Jamil Santos/FRJ GMA News