Ilang baboy na naagnas na at nangangamoy ang nadiskubreng itinapon sa tabing-ilog sa Pozorrubio, Pangasinan. Dahil sa insidente, nag-panic ang mga hog raiser sa bayan kaya kinatay at ibinenta ang kanilang mga alaga kahit bagsak-presyo.
Sa ulat ni Jasmine Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nadiskubre ang mga patay na baboy na may kasamang tinadtad na karne ng baboy sa Barangay Malasin noong Linggo ng umaga.
Ayon kay Dr. Ronald Tadina, municipal veterinarian ng Pozorrubio, posibleng nasa tatlo o apat na araw nang patay ang mga baboy.
“Doon na rin inano…hinukay tapos nag-spray kami ng mga disinfectant,” saad niya.
Lumalabas naman sa imbestigasyon ng lokal na pamahalaan na hindi galing sa kanilang bayan ang mga patay na baboy.
Ayon kay Tadina, tukoy na ang pagkakakilanlan ng taong nasa likod ng pagtatapon ng mga patay na baboy at nakatakda siyang sampahan ng mgar reklamo.
“Kailangan managot po ang nagtambak kasi malaking epekto po sa atin ‘yon. Lalo na yung parang economic sabotage. Kawawa naman ang mga backyard [hog] raiser natin. Nagpapanic na sila, binebenta na yung mga baboy nila sa pinakamurang halaga,” dagdag niya.
Simula noong Lunes, maraming hog raiser na umano ang nagkatay at nagbenta ng kanilang mga alagang baboy sa takot na baka tamaan ang mga ito ng sakit.
Dahil dito, bumagsak ang presyo ng live weight fee sa bayan sa kabila ng paglilinaw na walang sakit ang mga baboy sa Pozorrubio.
Ayon sa isang tindera, kahit mababa ang presyo ng kanilang itinitindang karne ng baboy, nananatiling matumal ang bentahan.
Naglabas ng Executive Order ang lokal na pamahalaan na nagbabawal sa pagpasok ng mga baboy na mula sa ibang lugar. Layunin niya na protektahan ang mahigit 3,000 hog raisers sa kaniang bayan.—FRJ GMA News
