Nasawi ang isang 78-anyos na lalaki matapos siyang madaganan ng malaking sanga ng puno sa kagubatan sa Daanbantayan, Cebu.

Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat sa GTV News Balitanghali, sinabi ng pulisya na nakaugalian na ng lalaki na manguha ng kahoy sa gubat para gawin itong mga muebles o furniture.

Lunes ng umaga nang huling makitang buhay ng mga kapitbahay ang lalaki.

Martes nang matagpuan ang kaniyang bangkay isang kilometro ang layo sa kaniyang tirahan sa Barangay Talisay, matapos siyang madaganan ng malaking sanga ng puno.

Nakita ang lalaki ng dalawang kapitbahay na naghanap sa kaniya.

Nasa masukal na bahagi ng gubat naganap ang insidente kaya hindi agad nakita ang biktima. – Jamil Santos/FRJ GMA News