Viral sa social media at pinipilahan ang Spanish bread ng isang bakery sa España, Maynila, dahil sa twist nitong masarap na Ube Halaya sa loob. Ang may-ari ng bakery, ibinahagi ang kuwento ng kanilang pag-asenso mula sa dating pagtitinda sa bangketa na may nanghuhuli.

Sa nakaraang episode ng Good News, itinampok ang pakulong Spanish bread ng 32-anyos na si Airese Nadine Balahan.

Noong una, Classic Spanish lamang ang kanilang itinitinda noon. Ngunit nagsimula ang pag-ingay ng kanilang negosyo nang maisip na niya ang pakulong Ube Halaya sa Spanish Bread.

Matapos ma-feature ang kaniyang Spanish bread sa mga vlog ng food content creators online, lagi na itong pinipilahan at sold out.

“Nasa 1,000 pieces po na Spanish bread ang nagagawa ko sa isang sako. So minsan po, may limang sako sa isang araw, minsan, pitong sako po sa isang araw. Siyempre po, masaya po ko na nag-trending po 'yung ube Spanish bread namin. Nadadagdagan 'yung income namin daily po,” sabi ni Airese.

Taliwas sa ube halaya na napakatamis, ang buhay ni Airese noon, na laki sa hirap.

“Anim po kami magkakapatid, ako po 'yung panganay. So talagang laking bangketa po kami magkakapatid. Lumaki ako na naabutan kong may naniningil araw-araw, nagkakahulihan sa bangketa, kinukuha 'yung paninda namin.”

Sa Leche Flan, una siyang nakatikim ng tamis ng tagumpay. Dahil dito, nakapag-ipon siya at nakapag-expand ng negosyo noong 2019.

Pinasok nila ang bakery para pangdagdag sa Leche Flan.

Nitong Marso, naisipan niyang sabayan ang hype ng Spanish Bread online na nag-boom naman. Kada buwan, kumikita ang bakery at iba nilang food business ng P300,000 hanggang P500,000.

“Ngayon, ‘pag gusto namin umalis, puwede na anytime. 'yung mga gusto namin kainin masasarap, kailangan paghirapan mo 'yun. Ngayon, parang normal na lang, parang 'yung kain sa labas, hindi lang siya pang family day,” pahayag niya.

Tungkol naman sa natutunan sa buhay ni Airese na nais niyang ibahagi, "Huwag mo siyang sukuan. Labanan mo siya na kahit konti lang 'yung bumibili sa'yo araw-araw. Magtinda ka pa rin kasi hindi naman araw-araw tag-ulan.”

Panoorin sa video kung paano gumawa ng Spanish bread with ube halaya. -- FRJ GMA News