Dahil sa kaniyang awa, pinaliguan, pinakain at inalagaan ng isang lalaki ang isang dagang-bukid na natagpuan niya sa sapa. Hanggang napaamo niya ang daga habang lumalaki na naging pet at “best friend” niya. Pero habang ginagawa ng “I Juander” ang panayam, muling naging mailap ang daga. Bakit kaya. Alamin.

Sa nakaraang episode ng I Juander, itinampok si Deric Fernandez, at ang “bestie” niya na dagang-bukid na si Bobet, na mula sa La Carlota City, Negros Occidental.

“Ito po si Bobet, stress reliever ko po siya,” sabi ni Deric.

Aksidente lang daw nang matagpuan ni Deric si Bobet nang magpunta siya sa isang sapa, kasama ang alaga niyang aso.

“That time po, nagpunta po kami ng sapa para manghuli po ng mga isda. Napansin ko po 'yung aso po namin na may hinahabol. 'Yung pagkakita ko po noon, daga pala. ‘Yun po, nakyutan na lang po ako sa hitsura ng daga kaya kinuha ko na lang po,” kuwento niya.

Galing sa bukid, inuwi ni Deric ang daga na kaniyang pinaliguan, pinakain at inalagaan.

Kalaunan, ang dating mailap na daga, dahan-dahang umamo na sa kaniya.

Hindi naman maiwasan ng marami na matakot sa kaniyang pet.

“Kapag inalagaan mo sila nang maayos, siyempre, maayos din po 'yung kanilang kondisyon, mas malinis din po sila,” ani Deric.

Hinanapan na rin ni Deric ng mga makakabarkada si Bobet, na tatlo pang daga na sina Bornok, Boyet at si Titay.

Ayon sa animal behavior expert, hindi imposibleng makabuo ng relasyon ang tao at isang mailap na hayop gaya ng daga.

“Between the individual and the animal, kung kino-consider ka niya as parte ng grupo, ng pamilya niya or amo niya, eh tunay naman po ‘yun,” sabi ni Dr. Mary Jasmin Ang, Associate Professor sa College of Veterinary Medicine sa UPLB.

Nguni sa gitna ng coverage ng programang I Juander, tila nabalisa at umiwas makisalamuha ang mga alagang daga ni Deric.

Si Bobet, tila lumabas ang pagiging “wild” na sinusubukang kagatin ang kamay ni Deric kapag hinahawakan niya ito.

Naisip ni Deric na ipasok si Bobet sa isang dog training facility para subukan na muling mapaamo ito.

Bumalik pa kaya ang pagiging maamo ng dagang bukid na si Bobet kay Deric? Panoorin. – FRJ GMA News