Binalikan ni Rochelle Pangilinan ang kaniyang pagiging kontesera sa mga sayawan noong dalagita pa lamang siya. Dahil laki sa hirap, naranasan din niya na gawing "ulam" sa kanin ang kape.

Sa kaniyang nakaraang guesting sa “i-Listen” with Kara David, ikinuwento ni Rochelle na edad 13 o 14 na siya noon nang sumali na siya sa mga barangay dance contest.

“Hindi magaling, pero nakakasayaw,” paglalarawan ni Rochelle tungkol sa kaniyang talento.

Katunayan, pinipigilan pa siya noon ng kaniyang tatay.

“Ayaw pa akong payagan ni tatay kasi parang sa kaniya, napupuyat. ‘Kababae mong tao, gabi-gabi lumalabas ka.’ At si nanay, alam niya na sumasayaw kami. Kaya ‘pag dumarating ako sa bahay, gabi noon, tumatakas talaga ako kay tatay kasi nagagalit siya,” kuwento ni Rochelle kay Kara.

Tinanong ni Kara kung ano ang nagtutulak kay Rochelle para sumali sa mga barangay contest.

“Makatulong [sa pamilya]. Lalo na sa baon. Para hindi na nila akong bigyan ng baon. Kasi alam kong P20 pesos, malaki na 'yung dati,” saad niya.

Proud na ikinuwento ni Rochelle na sa murang edad, lumaki siya sa kape.

“Kami kasi kung ano 'yung nakikita ng bata sa mga matatanda, ‘Ay nagkakape sila, ako din,’” sabi niya.

“Tsaka 'yung kape, panawid-gutom ko siya dati na nilalagyan ko ‘yun ng rice, para ‘yun 'yung ulam namin kung wala kaming ulam. Mainit 'yung kape, tas malamig 'yung kanin. Tapos ‘pag nilagay mo na siya, balance na, sakto na 'yung temperature,” pag-alala pa ni Rochelle.

Lumaki sa Malabon, proud ding inilahad ni Rochelle na laki siya sa hirap.

“Hindi ko kasi alam na mahirap kami, sa totoo lang. Kasi nae-enjoy ko siya, kasi kahit hanggang ngayon, kaya ko siyang kainin (kape) ng masarap. Noong bata po siguro ako, hindi ko nakikita na problema siya. Sa akin parang, ‘Ah, papasarapin ko 'yung buhay ko. Wala akong nakikitang negative sa kaniya,” patuloy niya.

Ilan pa sa pagkaing na-enjoy ni Rochelle ang tuyo.

“Atsaka masarap 'yung tuyo. Wala nga lang kamatis, pero masarap siya. Lalo na lalagyan mo ng suka, halo-halo siya doon,” sabi pa ng lider ng Sexbomb dancers. – FRJ GMA News