Tinangay ng dalawang kawatan ang lumang kampana sa isang simbahan sa Loboc, Bohol na mahigit isang siglo na ang tanda. Sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad, nabawi rang kampana sa ibang bayan at nadakip ang isa sa dalawang suspek.
Ayon sa Loboc Municipal Police Station, umaga nitong Lunes nang mapansin ng mga tauhan ng Saint Peter Parish Church sa Poblacion, Ondol, na nawawala ang kampana na tinatayang 1914 pa ang edad.
Matapos i-report sa pulisya ang insidente, kaagad na nagsagawa ng imbestigasyon ang awtoridad, kabilang ang pagsuri sa mga CCTV footage.
Nakita na dalawang tao ang tumangay sa kampana at isinakay sa isang tricycle.
Kasunod nito, nakipag-ugnayan ang mga imbestigador sa Sagbayan Municipal Police Station, matapos matukoy ang pagkakakilanlan ng isa sa dalawang salarin.
Sa isinagawang operasyon nitong umaga ng Martes, dinakip ang isang 25-anyos na residente sa Sagbayan na bumibili ng scrap metal. Kasunod nito, natunton naman ang nawawalang kampana sa bayan ng Tubigon.
Isa pang babae na sangkot umano sa insidente ang pinaghahanap ng mga awtoridad. – FRJ GMA News
