Nagsimatayan ang mga alagang bangus sa mga fish pen dahil umano sa pinagsamang epekto ng mainit na panahon at biglaang pag-ulan sa Dagupan City.

Sa ulat ni Sendee Salvacio ng GMA Regional TV sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood sa aerial shot ang paglutang ng mga nangamatay na alagang bangus na mistulang mga plastic sa ilog ng Barangay Pugaro Suit.

Nagkalat ang mga bangus sa mga fish pen hanggang sa daungan ng mga bangka.

Sinabi ng ilang bangus grower na anim na araw nang may mga naitatalang pagkamatay ng kanilang alagang isda.

Isa sa mga sanhi umano ang pinagsamang epekto ng mainit na panahon at ang biglaang buhos ng ulan, dahilan para bumaba ang dissolved oxygen ng tubig.

Umabot na sa 70% ng mga alagang bangus ng fish grower na si Rolly ang namatay.

Para hindi tuluyang malugi, nag-force harvest na at sumisid ang ilang bangus grower para kunin ang mga namatay na isda sa ilalim ng ilog.

“Kasi namatay na sa ilalim, ma'am. Mabubulok na 'yun sa fish pen nila kung hindi nila sisisidin, kukunin, delikado. Mas lalo-lalo na sila, mamamatay na,” sabi ni Rolly.

Ilan pang fish pen ang gumagamit na ng mga water pump at aerator para sa sirkulasyon ng tubig at oxygen na kritikal sa mga bangus, na magastos sa krudo.

“Kahit ilang bomba 'yung ginagamit namin na 'yung water pump, nagdadalawa na kami, dati isa lang mga isang oras, puwede na. Ngayon talagang mahaba,” sabi ni Aristotle De Guzman, bangus grower.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng news team sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR Region 1.

Sinabi ng isang information officer na patuloy ang isinasagawang validation sa lahat ng mga apektadong bangus grower.

Sinisikap ng GMA Regional TV na makunan ng panig ang Dagupan City Agriculture Office.

Aabot na sa milyon-milyong pisong halaga ang lugi ng mga bangus grower dahil sa pagkamatay ng kanilang mga alagang isda. —Jamil Santos/VBL GMA News