Nalunod ang dalawang magsasakang katutubo matapos silang magpatagalan sa pagpigil ng hininga sa ilalim ng ilog bilang ritwal para resolbahin ang kanilang alitan sa lupa sa Alabel, Sarangani.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing sabay na lumubog at nagpatagalan sa pagpigil ng hininga sa ilalim ng Glamang River ang dalawang lalaki nitong Biyernes.

Maraming tao ang nakamasid at nakaabang sa unang aahon.

Ngunit nang iaahon na ang mga biktima, natuklasang wala nang buhay ang mga ito. Sinubukan silang buhatin ng mga residente.

Isa sa mga biktima ang kinalong ng babaeng hindi mapigilan ang kaniyang pag-iyak.

Dinala sa ospital pero idineklarang dead on arrival ang biktimang senior citizen. Pumanaw din kalaunan ang isa pa.

Sinabi ng pulisya na kabilang sa grupong Tagakaulo ang mga biktimang magsasakang katutubo.

Hindi naayos sa barangay ang alitan nila sa lupa kaya idinaan na lang nila ito sa kanilang ritwal na “sulif” o trial by ordeal.

Sa ilalim ng ritwal, nagpatagalan ang dalawa na magpigil ng hininga sa ilalim ng tubig. Tinatayang 12 minuto nakalubog sa ilog ang mga magsasaka.

Nag-iimbestiga na ang pulisya.

Batay sa pag-aaral, nagpapakita ang ritwal ng sulif ng paniniwalang ang kalikasan mismo, tubig o dagat ang nagpapasya kung sino ang tunay na nagkasala.

Sa isang pahayag, nakiramay ang presidente ng Sarangani IP Professionals Association sa pamilya ng mga pumanaw.

Aniya, parte ng tradisyon ng mga nasa Blaan indigenous community ang sulif para matuldukan ang mga ‘di pagkakaunawaan at magkaroon ng kapayapaan. May kaparehong kultura at tradisyon ng mga Tagakaulo ang mga Blaan.

Ginagalang nila ang tradisyon, ngunit nawawala ang kabuluhan nito kapag may binawian ng buhay.

Naniniwala ang presidente ng Sarangani IP Professionals Association na dapat umayon pa rin ang kultura sa batas.

Nananawagan naman ang isang municipal councilor ng Bayan ng Alabel sa mga tribal chieftain at iba pang ahensiyang may kaugnayan sa IPs na masuri ang mga kaugaliang posibleng ikapahamak ng mga katutubo. —Jamil Santos/VBL GMA News