Isang barangay chairman ang, nasawi matapos na ma-suffocate sa loob ng hukay habang nagsasagawa umano ng treasure hunting sa bahagi ng Barangay Dungan sa San Teresita, Cagayan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing wala nang buhay ang biktima nang makuha mula sa hukay.

Nakaligtas naman ang dalawa niyang kasama, kabilang ang kaniyang ama na nakalabas na ng ospital.

Nagtulong-tulong ang mga rescuer na kinabibilangan ng mga kawani ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protections, Maritime Battalion, at iba pa para makuha mula sa hukay ang mga biktima.

Sinisikap pang makuha ng pahayag ang mga kamag-anak ng mga biktima, ayon sa ulat. – FRJ GMA News