Ibinahagi ni Kris Aquino na minsan nang huminto ang kaniyang paghinga sa loob ng dalawang minuto. Dahil dito, nais niyang maging doktor ang kaniyang susunod na boyfriend upang manatiling kalmado sakaling magkaroon siya ng medical emergency.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkules, sinabi ng tinaguriang Queen of All Media, na nais niyang makasama sa buhay ang isang taong kakampi at susuporta sa kaniya.

Ayon kay Kris, nais niyang makasama sa buhay ang isang tao na kakampi niya para magkaroon din ng sariling buhay ang anak niyang Bimby, sa halip na umikot ang buhay nito sa pag-aalaga sa kaniya.

Sa pagkakaroon ng nobyong doktor, paliwanag ni Kris, “Gusto ko talaga doktor. Hopefully, somebody na hindi magpi-freak out kapag tumigil ako nang paghinga. Nangyari na eh, I stopped breathing for two minutes.”

Ngayon taon umano ito nangyari. Ayon sa kaniya, tumigil na magtrabaho ang kaniyang baga pero nanatiling tumitibok ang puso niya.

Sa ngayon, single umano siya at walang nagpaparamdam na doktor.

“Siguro lahat ng doktor, after hearing my story, sasabihin nila, ‘wag na lang,’” saad niya.

Noong Martes, nagbigay rin si Kris ng update tungkol sa kaniyang kalusugan. Inihayag niyang nangangailangan ng higit na atensiyong medikal ang dalawa sa kaniyang organ habang patuloy siyang nakikipaglaban sa mga autoimmune disease.

Sa kabila ng mga hamon sa kaniyang kalusugan, nananatiling umaasa si Kris at nagpasalamat sa lahat ng patuloy na nagdarasal para sa kaniya at sa kaniyang pamilya. -- Carby Rose Basina/FRJ GMA News