Dalawang lalaki ang nasawi matapos na mabagsakan ng puno ang isang bunkhouse sa Davao City sa kasagsagan ng malakas na ulan at hangin.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Catalunan Grande nitong Huwebes ng gabi.
Kaagad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad matapos matanggap ang impormasyon tungkol sa nangyaring insidente.
Patay na nang makuha ang isang biktima, habang naisugod pa sa ospital ang isang biktima pero binawian din ng buhay kalaunan.
Ayon sa asawa ng isa sa mga biktima, agad silang umalis sa bunkhouse nang bumuhos ang malakas na ulan at hangin, na pinaniniwalaan na may kasamang ipu-ipo.
Subalit naiwan ang mister niya sa bunkhouse na nasa ilalim ng puno na natumba.
“Century-old na siya na mangga, according sa mga barangay official. Ang bahay ng namatay ay parang bunkhouse lang, made of light materials, nasa ilalim ng punong mangga. That is why nung naputol yung malaking sanga, dumiretso talaga doon sa bunkhouse,” sabi ni Police Major/Atty. Sheryl Bautista, Station Commander, Talomo Police Station. – FRJ GMA News
