Nagbigay na ng pahayag si Andrea Brillantes tungkol sa napapabalitang naging hidwaan nila ni Bea Borres.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, sinabi ng aktres na naniniwala siyang nagsimula ang isyu matapos siyang mag-iwan ng komento sa isang TikTok post.

“I think it all started with my comment sa isang TikTok. And I kind of underestimated the kind of attention that would get,” sabi ni Andrea.

Nilinaw naman niya na nagkausap na sila ni Bea, at sinabing mahalaga pa rin sa kaniya ang kaniyang kaibigan.

“Bea and I already had a private conversation about this and I’ll always have love for Bea and for Pea. Pero I think that’s all I can say for now,” saad niya. “Ang importante nakapag-usap na kami.”

Sa nasabing panayam, sinabi rin ni Andrea na mahirap makahanap ng tunay na kaibigan sa kanilang industriya, kaya kailangang ingatan kung sakaling makakatagpo nito.

Noong nakaraang buwan, ibinunyag ni Bea na bina-block niya si Andrea upang hindi makita ng huli ang mga content nila ng dati niyang nobyong si Meray Yamada.

Ayon kay Bea, plano niyang i-unblock si Andrea kapag nakabili na siya ng isang asset gamit ang kinita niya mula sa mga video nila ni Meray.

Mayroon naging isang anak sina Bea at Meray na babae. — FRJ GMA News