Nagpatuloy sa paglakas ng piso kontra dolyar ng Amerika nitong Biyernes, kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pipigilan ng pamahalaan ang higit pang paghina ng piso.
Sa pagtatapos ng kalakalan sa merkado ngayong linggo, lumakas ng 11 sentimos ang piso at nagsara sa P63.74 kada dolyar, mula sa P63.85 kada dolyar nitong Huwebes.
Nagbukas din ang piso nang mas malakas sa P63.67 kada dolyar. Umabot ito sa pinakamataas na halaga na P63.61 at pinakamababang halaga na P63.77 kada dolyar sa buong araw ng kalakalan.
Ayon kay Rizal Commercial Banking Corp. chief economist Michael Ricafort, nakatulong sa paglakas ng piso ang mga pahayag ni Marcos na nagbibigay ng garantiya na hindi hahayaan na tuluyang humina ang halaga ng piso kontra sa dolyar.
Nitong nakaraang Miyerkules, pinakalma ni Marcos ang publiko matapos muling magtala ng pinakamababang halaga ang piso laban sa dolyar na umabot sa P64:US$1.
“Well, first of all, do not take it with alarm. Don't panic,” pahayag ng Pangulo sa isang ambush interview sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City, sa paggunita ng ika-32 National Correctional Consciousness Week.
Sinabi niya na ginagawa ng kaniyang administrasyon ang lahat ng makakaya upang idepensa ang halaga ng piso.
“People can take solace in the fact that our policy towards the peso is to continue to defend the peso as hard as we possibly can. We have all the tools to defend the peso. We have all the means to defend the peso,” ani Marcos.
Ayon kay Ricafort, nakatulong din sa paglakas ng piso ang paghahanda para sa mahabang weekend ng Undas at padalang pera ng mga overseas Filipino workers sa kanilang pamilya sa bansa.
“That could lead to some conversion of OFW remittances to pesos to finance travels to hometowns and other areas around the country and also to finance other holiday-related spending,” ani Ricafort. — FRJ GMA News

