Nananatiling kritikal ang kalagayan ni Ate Gay matapos ma-stroke, ayon sa kaniyang pamilya.
Sa isang pahayag na inilabas ng kaniyang pamilya sa Facebook nitong Biyernes, sinabi nilang unang isinugod sa emergency room ng Asian Hospital and Medical Center (AHMC) si Ate Gay noong Oktubre 17 dahil sa hirap sa paghinga.
"According to his doctors, he suffered septic shock and acute respiratory failure secondary to pneumonia, or a severe infection that affected his breathing and blood circulation," saad sa pahayag.
Agad siyang inilipat sa Intensive Care Unit (ICU) para sa masusing gamutan at mabantayan.
Batay sa pinakahuling pagsusuri ng kaniyang mga doktor, nalampasan na ni Ate Gay ang unang yugto ng septic shock.
Ngunit nitong Huwebes, Oktubre 29, na-stroke siya na nagdulot ng pinsala sa kanang bahagi ng kaniyang utak.
"At present, he still relies on life-support machines to support his body's vital functions. His condition remains critical but guarded," dagdag nito.
Sinabi rin ng pamilya na pinag-isipan nilang ilipat si Ate Gay sa ibang ospital dahil sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa pagpapagamot. Gayunman, hindi ito inirekomenda ng mga doktor dahil sa kritikal niyang kondisyon. Kaya nananatili siya sa ICU para sa patuloy na gamutan at pagbabantay.
Humihingi rin ang pamilya ng tulong medikal at pinansyal mula sa mga ahensiya ng pamahalaan, pribadong indibidwal, charitable institutions at iba pang organisasyon upang makatulong sa kaniyang gastusin sa ospital.
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat ang pamilya sa lahat ng nagpaabot ng tulong, suporta at panalangin para sa komedyante habang patuloy itong nagpapagaling.
"We understand that everyone has their own struggles and responsibilities. We do not take any of your assistance for granted, and we are deeply grateful for your kindness," saad pa nila.
"Despite everything, we continue to hope and place our trust in God's mercy and grace."
Sa unang bahagi ng buwang ito, nagsagawa ang komedyante na kilala sa tunay na pangalang Gil Morales, ng “living funeral” kasama ang kaniyang pamilya at malalapit na kaibigan.
Na-diagnose si Ate Gay na may stage 4 cancer noong 2025.
Nang maibalita ang kaniyang kalagayan, may tumulong sa gastusin sa kaniyang radiation therapy sa Asian Hospital, habang isang tagahanga naman ang nagpahiram ng condominium unit na malapit sa ospital para tuluyan niya habang nagpapagamot.
Noong Nobyembre, sinabi ni Ate Gay na “graduate” na siya sa radiation at chemotherapy.
Noong Hunyo lamang, ibinahagi ng komedyante na wala na siyang bukol sa leeg at ilong matapos sumailalim sa MRI (Magnetic Resonance Imaging). —Jade Veronique Yap/FRJ GMA News

