Arestado ang isang 35-anyos na babae matapos mabisto na peke ang P1,000 bill na ibinayad niya sa tindera sa pamilihan sa Cabanatuan City. Nueva Ecija. Nang tingnan ang kaniyang wallet, may nakita pa rito na mga pekeng pera.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing bumili ng isang kilo ng karne ng manok ang suspek na residente ng Science City of Muñoz.

Pero nagduda ang tindera nang mapansin niyang balisa ang babae nang magbabayad na. Isinumbong niya ito sa mga awtoridad at isailalim sa paunang pagsusuri ang pera, na lumitaw na peke.

Dinala sa himpilan ng pulisya ang babae at ipinasuri sa tauhan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang P1,000 at nakumpirmang peke ito.

Ayon sa pulisya, boluntaryo ring ipinakita ng suspek ang wallet niya at nakita pa rito ang 12 piraso ng pekeng P1,000 bill.

Modus umano ng suspek na ibayad ang pekeng pera at maghihintay na makakuha ng sukli.

Inamin naman ng babae ang krimen na nagawa raw niya dahil sa kahirapan.

May kumausap umano sa kaniya na ibayad ang pekeng P1,000 sa bibilhing produkto, at makakatanggap siya ng P200 sa makukuhang sukli.

“Tinanong nila kung gusto ko, dala ng pangangailangan kaya ko nagawa,” ayon sa suspek.

Nahaharap ang suspek sa rekamong estafa at illegal possession and use of false treasury and bank notes.

Paalala ng awtoridad sa publiko, mag-ingat at maging mapanuri sa pera dahil dumadami ang mga manloloko tuwing holiday season. – FRJ GMA News