Isang babae ang natagpuang patay at may mga tama ng bala ng baril sa isang abandonadong bahay sa Barangay Banago, Bacolod City.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa dibdib at mata ang 32-anyos na biktima nang matagpuan ng pulisya nitong Martes.
Ayon sa ilang residente, nakarinig sila ng dalawang putok ng baril noong Lunes ng gabi.
Ayon sa kapatid at tiyahin ng biktima, ilang araw nang hindi umuuwi ang kanilang kaanak na problemado umano sa kaniyang mga anak.
Natuklasan ng pulisya na dati nang nadakip ang biktima at kaniyang asawa dahil sa ilegal na droga.
Kalaunan, nakalaya ang biktima samantalang nakakulong pa rin ang kaniyang mister.
Nasa pangangalaga na ng kaanak ng biktima ang dalawa nilang anak habang pinaampon naman umano ang isa pa bago maganap ang pamamaslang sa biktima.
Iniimbestigahan pa kung may kaugnayan sa ilegal na droga ang pagpatay sa ginang.
Hinala pa ng pulisya, drug den ang abandonadong bahay kung saan natagpuan ng biktima.
Tumangging magbigay ng panig ang mga opisyal ng Barangay Banago nang puntahan ng news team, ayon sa ulat. – Jamil Santos/FRJ GMA News
