Napatay sa isang buy-bust operation sa Calamba City, Laguna ang isang tulak umano ng shabu matapos itong manlaban.

Ayon sa ulat ni Jam Sisante-Cayco sa "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, nauwi sa engkwentro ang operasyon nang mahalata ng suspek na si Ranillo Ligpitan na pulis ang kanyang ka-transaksyon.

Namaril umano si Ligpitan kaya ginantihan siya ng putok ng mga pulis.

Nakuha sa crime scene ang isang baril, isang sachet ng hinihinalang shabu at marked money.

Arestado

Samantala dalawang lalaki naman ang arestado sa Mandaluyong City matapos maaktuhang nagpapalitan ng iligal na droga sa Barangay  Addition Hills pasado hatinggabi.

Naroon daw sa lugar ang mga pulis para sana magsilbi ng isang warrant of arrest nang natiyempuhan nila ang iligal na transaksyon.

Nang lapitan ng mga pulis, bigla umanong nagtakbuhan ang dalawang lalaki pero nabigo silang makatakas.

Kinilala ang isa sa mga suspek na si Ariel Masorca; inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kanyang kasama.

Dalawang tulak din umano ng droga ang nahuli sa isang buy-bust operation sa Quezon City.

Sinubukan pa raw tumakas ng mga suspek na sina Roderick Caliva at Edgardo Savallero matapos matunugan na pulis pala ang buyer ng ibinebenta nilang iligal na droga.

Nasakote sila matapos makabangga ng isang jeep sa Cubao.

Nakuha sa kanilang sasakyan ang 25 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P12,000.

Umapela naman ang mga suspek na napilitan lang silang magtulak ng droga dahil sa hirap ng buhay. —Dona Magsino/LBG, GMA News